Saturday, May 16, 2009

Holy Cow, Holy Week na Naman!


(pagmumuni-muni ng isang taong di-mapakali)


Psst... psst... psssSSSSSSSTTTTTTT!!!!!!!

***Ewan ko kung anong nasa isip ng Star Cinema at pinangalangan nilang T2 ang next horror movie nila. Oo nga’t may impact siya sa pandinig pero sa tingin mo, seseryosohin ba ng tao ito? Magaling na sana ang Feng Shui (kung ‘di lang si Kris Aquino ang kinuhang bida), tapos dinugtungan pa nila ng Sukob (na ‘di lang pareho ang artista, pati istorya at istilo ng pelikula ay ginaya!). At ngayon, ang T2, na sa trailer pa lang ay wala ng pinag-iba (mga nagpapakitang multo, kinukuha ng mga maligno, mga lumilipad na kabaong, etc.). Ito ba ang sinasabi nilang makakapagsalba ng naghihingalong movie industry? Tingin ko hindi. Pero pustahan tayo, tiyak dudumugin pa din ‘to ng mga walang magawang publiko.

***Buti na lang ‘andyan si Santino na nagpapagaling ng kahit anong sakit. Wish ko lang ay ma-meet niya yung batang babae na nakakakita ng mga engkanto sa T2 dahil sigurado ako na nagha-hallucinate na ‘to at kailangang maagapan bago pa lumala. Sa susunod na kausapin niya si Bro ay ipagdasal niya na sana magkaron ng mga pelikulang pilipino na kundi man pang-Oscar ay yung makabuluhan at sulit sa bulsa (recession pa naman!)

***Pero kung iisipin mo, ok na din kung tumabo sa takilya ang T2. Pag nadugtungan ‘to ng sequel, malamang “T3” ang title. O kaya naman “T22”. Syempre, kung lalagyan pa nila ng prequel tulad ng Ring-0, ang magiging title pa nito ay T-Back. Tapos ‘pag sobrang patok talaga ang pelikula, magkakaron pa ng “T10” (pronounced as Titen). Medyo malaswa na, diba? Kapag si Marian Rivera pa ang kinuha nilang artista, may posibilidad pa na ang maging title ay “Ang Titen Kinuha Sa Aking Tadyang”. Panigurado,x-rated ang abot nito sa MTCRB.

***Sa kabilang banda, hindi ba’t nakakapang-gigil ‘pag nalaman mo na sa mahigit limang taon mong pagtatrabaho, hanggang ngayon, wala ka pa ding TIN?! Hindi na nga makatarungan na kaltasan ka ng napakalaking tax dalawang beses isang buwan, pero yung madiskubre mo na hindi man lang na-process ng kumpanya ang TIN mo, ibang usapan na yun. Sa araw-araw na pinapasok mo sa opisina, sana man lang in-update ka na blue ballpen pala ang ginamit mo sa BIR form mo. Ngayon huli na ang lahat dahil resign ka na at wala pa din trabaho.

***Dahil job-hunting ka ngayon, kelangan mong kumuha ng NBI clearance. Aminado ka namang tanghali ka ng nakarating sa NBI office at tanggap mo naman na ang pila ay sing-haba ng mga nag-au-audition sa Wowowie. Pero yung makita mong hanggang ngayon ay kilos-pagong pa din ang mga taong gobyerno at dahil dito ay inabutan ka na ng lunch break na inabot ng 2 oras, kukulo talaga ang dugo mo. ‘Di din mawawala ang mga ilan na may kabatak sa loob at mauungusan ka sa pagkuha ng clearance. At sa buong araw kang pumila, naghintay at tumunganga sa NBI, sa tindi ng init at baho ng mga katabi mo, ano ba ang mararamdaman mo ‘pag biglang sinabi na bumalik ka na lang sa susunod na linggo dahil may kapangalan ka?! Kahit na gusto mo nang maghumiyaw sa galit, maiisip mo na lang na maghunus-dili’t wala kang karapatan dahil wala ka namang TIN.

***Buti na lang at may hinihintay kang LPC (Last Pay Check) mula sa kumpanyang pinagsilbihan mo ng 5 taon ng buhay mo. Dahil sa panahon ngayong walang-wala ka na pero kelangan pa din magbayad ng credit card, meron pa din silver lining behind a grayish cloud.

***Pero higit sa pagre-reklamo at pagko-komento sa mga pangyayari sa mundo, mas importante pa din ang magnilay sa ganitong panahon. Hindi dahil walang teleserye, bawal ang karne at sarado ang Trinoma, pero dapat kang magpasalamat dahil kasama mo ang ‘yong pamilya at may panahon ka para magpahinga. Hay, holy cow, holy week na naman!

Note: Ginawa ito ng holy week ngunit sa ilang kadahilanang hindi maiiwasan, ay na-post lang pagkatapos.

No comments:

Post a Comment